Isang tasang kape at kalungkutan

Bihira kong ipabasa sa ibang tao ang mga sinusulat kong tula. Madalas dahil nahihiya ako. Marahil ito ay dahil pakiramdam ko hindi ito ganoon kaganda, madalas dahil pag may ibang bumabasa pakiramdam ko nahuhubaran ako.

Ang bawat akda kasi ay isang bintana sa aking isipan, sa aking mga sikreto, sa aking mga lihim na nararamdaman. Pero iyon din naman ang nagpapaganda sa bawat akda ng isang manunulat - ang hubad na katotohanan (for lack of a better term), isang desperadong akto ng paglalahad. Ganoon ang nararamdaman ko sa tula kong ito. Mas madali itong ipabasa sa iba dahil hindi ako nahuhubaran dito kundi nasisilip ang loob ng aking katawan - mga lamang loob, puso, baga, atbp. Sa pagpasok kasi sa loob ng isang tao ay namamaskarahan din ang kahuburan nya sa labas.

Kape

Sa aking kabataan

hinarap ko ang asul na kalungkutan

sa likod ng palamuting saya

Isang kalungkutang

pilit kong ikinikiskis sa burador

Kalungkutang ngayo’y haraya na lamang

sa malinaw at malamig

na batis ng aking isipan

Inakala ko noon na kaya ko sila

pagkat sa yelo kong pader

ang asul at malamig na kalungkutan

ay mababasag lamang

ni hindi man lang bububog

kundi matutunaw sa katagalan

Inalala ko na ang kalungkutan

ay bisita lamang

na pinagkakape at umaalis din

Ngunit sa pagtanaw ko

sa aking pinakamalaking kasiyahan

animo’y bulag kong yinakap

ang anino ng pulang kalungkutan

Ang bawat kasiyahan nga naman

ay may alagang dalamhati

Dalamhating itinatago

sa mga bisig ng liwayway ng galak

Sa pagtanaw ko sa pulang silangan

ilang beses tinunaw ng marubdob na kalungkutan

ang aking pader na yelo

umaapoy hindi sa dalamhati

kundi sa hangaring mapatay din ang sarili

Isang pulang kalungkutang

paulit-ulit na bumabalik

paulit-ulit kong linulunod

ngunit hindi pa rin namamatay

Isang pulang kalungkutang

maaaring kahihiyan

o pagiging mapagkumbaba sa pulang adhikain

Kalungkutang nagsusumamo

para sa kanyang kamatayan

Kalungkutang hindi tunay na masama

ngunit inianak ng kalungkutan sa aking kabataan

Kalungkutang kasa-kasama ng saya

kasa-kasama marahil ng iilan

o maraming katulad ko

Kalungkutang ikinahihiya

hindi lamang dahil nagpapakita ng kahinaan

kundi dahil nagpapamalas din ng pag-ibig

Isang kalungkutang pula

na nagpaparamdam ng pag-iisa

at pagiging magkasama

Isang kalungkutang hindi ko matanggap

ngunit unti-unti nang nagsisiga sa aking puso

21 Enero 2008

Leave a Reply