Isang tasang kape at kalungkutan
Sunday, January 20th, 2008Bihira kong ipabasa sa ibang tao ang mga sinusulat kong tula. Madalas dahil nahihiya ako. Marahil ito ay dahil pakiramdam ko hindi ito ganoon kaganda, madalas dahil pag may ibang bumabasa pakiramdam ko nahuhubaran ako.
Ang bawat akda kasi ay isang bintana sa aking isipan, sa aking mga sikreto, sa aking mga lihim na nararamdaman. Pero iyon din naman ang nagpapaganda sa bawat akda ng isang manunulat - ang hubad na katotohanan (for lack of a better term), isang desperadong akto ng paglalahad. Ganoon ang nararamdaman ko sa tula kong ito. Mas madali itong ipabasa sa iba dahil hindi ako nahuhubaran dito kundi nasisilip ang loob ng aking katawan - mga lamang loob, puso, baga, atbp. Sa pagpasok kasi sa loob ng isang tao ay namamaskarahan din ang kahuburan nya sa labas.
Kape
Sa aking kabataan
hinarap ko ang asul na kalungkutan
sa likod ng palamuting saya
Isang kalungkutang
pilit kong ikinikiskis sa burador
Kalungkutang ngayo’y haraya na lamang
sa malinaw at malamig
na batis ng aking isipan
Inakala ko noon na kaya ko sila
pagkat sa yelo kong pader
ang asul at malamig na kalungkutan
ay mababasag lamang
ni hindi man lang bububog
kundi matutunaw sa katagalan
Inalala ko na ang kalungkutan
ay bisita lamang
na pinagkakape at umaalis din
Ngunit sa pagtanaw ko
sa aking pinakamalaking kasiyahan
animo’y bulag kong yinakap
ang anino ng pulang kalungkutan
Ang bawat kasiyahan nga naman
ay may alagang dalamhati
Dalamhating itinatago
sa mga bisig ng liwayway ng galak
Sa pagtanaw ko sa pulang silangan
ilang beses tinunaw ng marubdob na kalungkutan
ang aking pader na yelo
umaapoy hindi sa dalamhati
kundi sa hangaring mapatay din ang sarili
Isang pulang kalungkutang
paulit-ulit na bumabalik
paulit-ulit kong linulunod
ngunit hindi pa rin namamatay
Isang pulang kalungkutang
maaaring kahihiyan
o pagiging mapagkumbaba sa pulang adhikain
Kalungkutang nagsusumamo
para sa kanyang kamatayan
Kalungkutang hindi tunay na masama
ngunit inianak ng kalungkutan sa aking kabataan
Kalungkutang kasa-kasama ng saya
kasa-kasama marahil ng iilan
o maraming katulad ko
Kalungkutang ikinahihiya
hindi lamang dahil nagpapakita ng kahinaan
kundi dahil nagpapamalas din ng pag-ibig
Isang kalungkutang pula
na nagpaparamdam ng pag-iisa
at pagiging magkasama
Isang kalungkutang hindi ko matanggap
ngunit unti-unti nang nagsisiga sa aking puso
21 Enero 2008